GUILTY sa kasong graft o katiwalian si dating Philippine National Police (PNP) Chief General Jesus Versoza kaugnay sa mala-anomalyang pagbili sa police rubber boats (PRBs) na nagkakahalaga ng mahigit P130 milyon.
Sa 88-pahinang desisyon ng anti-graft court Third Division ng Sandiganbayan, hinatulan na makulong ng anim hanggang walong taon sina Verzosa, at iba pang opisyal ng PNP na sina dating Police Chief Supt. Benjamin Belarmino Jr., Jefferson Soriano, na siyang alkalde ngayon ng Tuguegarao City; Villamor Bumanglag, Luizo Ticman at Romeo Hilomen.
Inatasan din ng korte na hindi na maaaring makahawak pa ng anumang posisyon sa gobyerno ang mga akusado.
Base sa record ng Sandiganbayan, nasa kabuuang P131.5 milyon halaga ang mga biniling 75-unit ng PBRs at 93-unit naman para sa Outboard Motors (OBMs) mula sa kumpanyang EnviroAire Inc., Geneve SA Philippines, at Bay Industrial Philippines Corp.
Subalit nasilip na hindi pumasa sa eligibility test ang mga supplier.
Batay sa desisyon, hindi akma sa itinakdang specifications ng National Police Commission (Napolcom) ang mga produktong ibinigay ng mga supplier at hindi rin “functionally compatible.”
“The accused NHQ-BAC officials recommended the award of the supply contract to co-accused Verzosa, who approved the same. Hence, all the accused are responsible for the functional incompatibility of the PRBs and OBMs delivered,” pahayag ng Sandiganbayan.
“Verzosa should have noticed the financial weakness of the suppliers and functional incompatibility of the PRBs and OBMs. Instead, he kept silent. His actions show manifest partiality toward the ineligible suppliers,” dagdag pa sa desisyon.
Si Associate Justice Bernelito Fernandez ang nagponente ng desisyon na inayunan naman nina Associate Justices Amparo Cabotaje-Ang at Ronald Moreno.
Samantala, inabswelto naman sa kaso si dating Police Director Ronald Roderos, miyembro ng PNP National Headquarters (NHQ)-Bids and Awards Committee (BAC).
Nabasura rin ang kaso laban sa dating miyembro ng BAC na si Police Chief Superintendent Herold Ubalde dahil na rin sa kaniyang pagpanaw.

