TATLONG hinihinalang sangkot sa ilegal na droga, kabilang ang isang 21-anyos na bebot, ang arestado sa magkahiwalay na buy-bust operation ng pulisya sa Caloocan City.
Ayon kay Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr., unang nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa illegal drug activities ni Danilo Magno alyas “Momoy,” 43 anyos, vendor, kaya’t isinailalim ito sa isang linggong validation.
Nang makumpirma ang ulat, agad nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PMaj. Deo Cabildo, kasama ang 6th Maneuver Force Company Regional Mobile Force Battalion-National Capital Region Police Office (MFC RMFB-NCRPO) ng buy-bust operation sa Velasco St. Brgy. 7, Caloocan City dakong ala-1:35 ng hapon na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Narekober kay Magno ang dalawang medium plastic sachet na naglalaman ng nasa 10 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P68,000 ang halaga, at P7,500 buy-bust money na binubuo ng isang tunay na P500 at pitong pirasong P1,000 boodle money.
Dakong ala-1:20 naman ng madaling araw nang madamba din ng mga operatiba ng SDEU si Mary Grace Quitalig “alyas Baby,” 21 anyos, (Pusher) at Jomar Dimalanta, 32 anyos, driver, matapos bentahan ng P7,500 halaga ng shabu si PCpl. Daryl Sablay na nagpanggap na buyer sa buy-bust operation sa Calle 4, Brgy. 78.
Narekober sa mga suspek ang nasa 10 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P68,000 ang halaga at buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 at pitong piraso ng P1,000 boodle money.

