MAHAHARAP sa kasong homicide ang dalawang barangay tanod na sinasabing bumugbog sa lalaking lumabag sa curfew sa Calamba City, Laguna na naging sanhi ng pagkamatay nito.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Brigadier General Ildebrandi Usana, mismong si Calamba City Police chief Lieutenant Colonel Jonathan Villamor ang maghahain ng reklamo.
“Magsasampa po ng kaso ‘yung ating Calamba chief of police laban doon sa dalawang barangay tanod because accordingly, meron pong mga witnesses,” ayon kay Usana.
Batay aniya sa salaysay ng mga testigo, hinabol ng mga tanod si Ernanie Jimenez at binugbog ito dakong alas-10:30 ng gabi nuong Abril 7. Sinasabing bibili lamang ng pagkain ang lalaki nang siya ay sitahin.
Ayon sa kapatid ng biktima na si Gledien, hinanap nila si Ernanie nang mabigong umuwi agad. Nakita na lamang nilang sugatan at nakasalampak malapit sa barangay hall ang biktima.
Nagkaroon umano ng fracture sa kanyang bungo si Ernanie na bagamat agad na naisugod sa ospital para gamutin, nasawi rin nuong Abril 9.
Itinanggi naman ng mga suspek ang alegasyon.
Tinukoy ni Usana na sa isang bersyon ng pangyayari, sinasabing nadapa ang biktima habang tumatakas mula sa mga tanod.
Ipinauubaya na ng PNP sa piskalya ang pagsusuri ng mga ebidensya at testimonya patungkol sa insidente.
