HINDI na umano dapat arestuhin at kasuhan ang mga lumalabag sa mga panuntunan ng community quarantine tulad ng pinaiiral na curfew.
Iniutos ito ni Philippine National Police (PNP) Chief General Debold Sinas kasunod ng pagkamatay ng dalawang indibidwal na nahuling lumalabag sa curfew.
Ayon kay PNP spokesperson Ildebrandi Usana, hindi na inoobliga ang mga pulis na maipakulong at kasuhan ang quarantine violators dahil maituturing umano itong counterproductive.
“Our Chief PNP just wanted to warn the violators and remind them of the need to follow the minimum health safety protocol but in case of repeat offenders, they could be fined or render community service. So the instruction is clear, violators should not be arrested,” ani Usana.
Sinabi ni Usana na hindi na matatawag na praktikal para sa mga pulis na nakatalaga sa checkpoint na manghuli.
Nais din umano ni Sinas na kung may barangay o local government authorities na magdadala sa presinto ng mga lumabag sa quarantine, dapat ay pakawalan ito ng mga pulis.
Ipatutupad na aniya ng PNP ang health protocols na may compassion o pang-unawa at konsiderasyon at ipababatid sa publiko ang kahalagahan ng pag-iingat na maiwasang kumalat pa ang COVID-19.
Nuong Abril 7, namatay si Darren Peñaredondo makaraang obligahin ng mga pulis sa General Trias City, Cavite na magpumping exercise ng tinatayang 300 beses matapos lumabag sa curfew.
Namatay din si Ernanie Jimenez npong Abril 9 matapos na bugbugin umano ng dalawang barangay tanod sa Calamba City, Laguna na humuli sa kanya sa paglabag sa curfew.
