NASAKOTE ang walong sabungero matapos salakayin ng mga pulis ang isang illegal na tupadahan sa Caloocan City.
Kinilala ang mga naarestong suspek na si Erwin Icaranom, 31, (casador/bet collector), Ruel Genabia, 50, Rominick Claro, 30, John Lester Adriano, 20, Roy Ellanic, 40, Jerome Santos, 20, Arman Fuentes, 22, at Alfredo Siko, 54.
Sa report ni PMAJ Amor Cerillo kay Northern Police District (NPD) Director PBGEN Nelson Bondoc, nakatanggap ng impormasyon mula sa confidential informant ang mga tauhan ng NPD-District Special Operations Unit (DSOU) sa ilalim ng pangangasiwa ni PLTCOL Alan Umipig hinggil sa nagaganap na illegal na tupada sa Navarro St. Brgy. 177, North Camarin.
Kaagad bumuo ng team ang mga tauhan ng DSOU sa pamumuno ni PMAJ Cerillo, kasama ang District Drug Enforcement sa pangunguna ni PMAJ Jerry Garces at unit mula sa 4th MFC-RMFB NCRPO sa pangunguna ni PLT Abel Lunggami, OIC, company commander bago sinalakay ang naturang lugar dakong alas-12:45 ng hapon.
Ayon kay PSSg Allan Reyes na kasama sa operation, nagawang madakip ng pinagsamang team ang mga suspek at narekober sa lugar ang dalawang panabong na manok na may tari at P2,450 na nakuha naman sa bet collector.

