56 nagpositibo sa COVID-19 dahil sa limited face-to-face classes – CHED

AABOT sa 56 na indibidwal ang nagpositibo sa COVID-19 mula nang pasimulan ang limitadong face-to-face classes sa kolehiyo nuong Enero.

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Commission on Higher Education (CHED) chairperson Prospero de Vera na sa nasabing bilang ay 41 ang mga estudyante at 15 ang faculty members.

Gayunpaman, sinabi ni de Vera na nasa isang porsyento lamang ito ng kabuuang bilang ng mga nakilahok sa limited face-to-face classes sa kolehiyo at walang dapat na ika-alarma.

Ang lahat naman aniya ng mga apektadong estudyante ay asymptomatic o walang sintomas.

Ikinatwiran pa ni de Vera na ang pagdaraos ng limitadong face-to-face classes ay essential ding matatawag dahil nangangailangan ang bansa ng mga health worker sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Prayoridad kasi sa limited face-to-face classes ang mga sasalang sa clinical internships tulad ng mga doktor, nurse, physical therapist, midwives at iba pang health workers.

Kung hindi aniya sasalang sa internship o training ang mga nasabing medical courses ay hindi nila matututunan ang kailangang kasanayan sa paghawak ng buhay ng mga tao.

Isa rin sa requirements para mapayagang makakuha ng licensure exams ang pagsasailalim sa clinical internship.

Punto pa ni De Vera, kung hindi matatapos ng medical students ang kanilang pag-aaral ay hindi matutugunan ang pangangailangan ng bansa ng mga doktor at iba pang healthcare practitioners.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.