5 pulis na sangkot sa pagpatay kay Calbayog City Mayor Aquino, inirekomenda ng IAS na tanggalin sa serbisyo

Share this information:

TANGGALIN sa serbisyo. Ito ang naging rekomendasyon ng PNP-Internal Affairs Service (IAS) sa limang pulis na sangkot sa pananambang kay Calbayog City Mayor Ronald Aquino.

Ang naturang hakbang ay alinsunod sa mga ebidensyang nakalap kabilang ang mga testimonya ng witnesses sa ilang buwan na imbestigasyon laban sa mga pulis.

Ayon kay PNP IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, batay sa resulta sa isinagawang imbestigasyon ng IAS, pinagplanuhan ang nangyaring pagpaslang sa alkalde at hindi ito shootout.

Paliwanag ni Triambulo, nasa 267 ang tama ng bala ng baril sa sasakyan ni Mayor Aquino bukod pa ito sa siyam na tama ng baril sa windshield na malinaw ang intensiyon na patayin ang sakay nito.

Hindi rin maipaliwanag ng mga inaakusahang pulis kung bakit nakasuot ng bonnet ang 2 sa napatay na suspek na pulis kabilang ang team leader na si Police Capt. Joselito Tabada at tauhan nito na si Police Staff Sgt. Romeo Laoyan.

Nauna nang sinabi ng mga testigo na naunang nagpaputok ng baril ang mga pulis at gumanti lamang ng putok ang mga kasama ni Aquino matapos na mapatay ang police escort na si Police Staff Sgt. Rodeo Sario at ang driver nito na si Dennis Abayon.

Naisumite na ang lahat ng dokumento kay PNP Chief General Guillermo Eleazar para sa pagpapasya nito sa agarang pagtanggal sa serbisyo kina PLt. Col. Harry Sucayre; PLt. Col. Shyrile Tan; PLt. Julio Armeza Jr. pawang naka talaga sa PNP-Inter Monitoring and Enforcement Group (IMEG) at sina Police Staff Sgt. Neil Cebu ng EOD /K9, Samar Provincial Police Office (SPPO) at Police Cpl. Edsel Omega ng Provincial Drug Enforcement Unit.

Abswelto naman sa kasong administratibo ang 16 na pulis na una nang isinasangkot sa operasyon.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.