LIMANG aktibong miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang inaresto ng mga operatiba ng Integrity-Monitoring and Enforcement Group (IMEG) dahil sa pagdukot at brutal na pagpaslang sa isang babaeng online seller sa Nueva Ecija.
Agad ipinag utos ni PNP Chief General Guillermo Eleazar ang pag-alis sa serbisyo kina Police Staff Sgt. Benedict Matias Reyes, nakatalaga sa Sta. Rosa Municipal Police Station; Police Staff Sgt. June Malillin ng Palayan City Police Station; Police Cpl. Julius Alcantara ng Nueva Ecija Provincial Police Office-Drug Enforcement Unit (NEPPO-DEU); Police Master Sgt. Rowen Martin ng Cabanatuan City Police Station at Police Staff Sgt. Drextemir Esmundo, na nakatakaga sa Cabiao Municipal Police Station.
Maliban sa 5 pulis, sangkot din ang mga sibilyan na si Franklin Macapagal at Dario Robarios sa pagpatay kay Nadia Casar, base sa testimonya ng mga saksi.
Batay sa record ng PNP-Anti Kidnapping Group (AKG), dinukot ng mga suspek na pulis sina Casar at ang nirentahang Grab driver nito noong Hulyo 20, 2021 sa Barangay Tagpos sa bayan ng Sta. Rosa, Nueva Ecija.
Nabatid na may idineliver umano na package ang biktima sa isang Franklin Macapagal alias “Kelly” sa Sta. Rosa.
Agad din silang umalis matapos ang transaksyon, pero habang bumabiyahe ay hinarang sila ng mga pulis na sakay ng isang pick-up at dalawang motorsiklo.
Ninakaw pa sa Grab driver ang kaniyang cellphone at P4,500 pisong cash at pinakawalan din sya kinabukasan, Hulyo 21.
Sa follow up operations ay narekober naman ang sunog na bangkay ni Casar dakong alas 2:30 ng hapon noong araw ng Linggo, Agosto 1 sa Sitio Pinagpala, Barangay Imelda Valley, Palayan City, kung saan ito inilibing ng mga suspek.
Ayon kay Eleazar, mariin nyang kinokondena ang pangyayari at pinamamadali na sa Internal Affairs Service (IAS) ang summary dismissal proceedings sa mga suspek upang masampahan agad ng mga kasong kriminal ang mga sangkot.
Nasa pangangalaga ngayon ng Provincial police headquarters sa Nueva Ecija sina Reyes, Malilin, Alcantara at Robarios habang sina Martin, Esmundo, at Macapagal ay patuloy na isinasailalim sa manhunt operation ng AKG at IMEG.
Samantala, naihain na sa Department of Justice (DOJ) ang mga kasong Kidnapping, Serious Illegal Detention at Murder laban sa mga suspek.
