UMAABOT ng tinatayang 300,000 hanggang 400,000 ang mga manggagawa na nawalan ng trabaho o hindi nakapagtrabaho dahil sa pinairal na dalawang linggong enhanced community quarantine sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, batay sa nakalap na datos ng DOLE at ng National Economic and Development Authority (NEDA), kabilang din sa displaced workers dahil sa implementasyon ng ECQ ay ang mga manggagawa sa mga kumpanyang pansamantalang nagsara at ang ipinasok sa flexible arrangement tulad ng work from home.
Gayunman, sinabi ni Bello na wala pang employer o manggagawa na naapektuhan ng dalawang linggong ECQ ang nagsumite ng kanilang aplikasyon para mabigyan ng tulong sa pamamagitan ng TUPAD or Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers.
Una na ring humirit ng 2-bilyong pisong supplemental budget ang DOLE bilang emergency funds upang patuloy na mabigyan ng ayuda ang mga manggagawa na pinadapa ng COVID-19 pandemic.

