APAT na tripulante ng isang fishing vessel ang nasawi dahil sa suffocation sa mismong barko ng mga ito sa bahagi ng karagatang sakop ng Barangay Talisayan, Zamboanga City.
Sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), rumesponde ang coast guard District Southwestern Mindanao kaugnay sa apat na crew members ng FV Julius 558 na na-“suffocate” habang nagkukumpuni sa storage room ng kanilang barko.
Nakilala ang mga nasawi na sina Joseph Oro, Boat Captain, 25; Marjon Oro, Third Mate, 37, pawang mga taga Sangali Zamboanga ; Charlie Caspe, Crew, 29 at Billy Lamag, Crew ,27, crew at kapwa taga Negros Occidental.
Sa imbestigasyon ng PCG, sinabi ni Chief Engineer Sonny Morales na inutusan ni Boat Captain Oro ang dalawang crew na sina Marjon at Lamag na linisin ang storage compartment ng isda gamit ang submersible pump.
Ilang sandali pa ay narinig nang sumisigaw sina Oro at Lamag na nahihirapan nang huminga at nakararanas na ng pagkahilo.
Tinangka namang tumulong nina Boat Captain Oro at Caspe ngunit maging sila ay hindi na rin nakahinga.
Nang silipin ni Chief Engineer Morales ang kapwa tripulante, napansin nitong wala nang mga malay dahilan para itawag sa kanilang kumpanya at inatasan ang ibang marino na sagipin ang kanilang mga kasamahan
Agad namang minaniobra ni Chief Mate Juanito Ibañez Jr ang barko patungong YL Wharf Talusay sa Zamboanga City.
Pagdating sa lugar, dinala sa Zamboanga Doctors Hospital / Brent Hospital ang mga biktima kung saan idineklarang ‘dead on arrival’.
Ang boat captain at si Marjon ay namatay dahil sa Asphyxia Secondary to Drowning habang ikinamatay naman nina Caspe at Lamag ay Acute Respiratory Distress Syndrome Secondary to Toxic Inhalation of Unknown Gas.
Ang pangyayari ay naipagbigay alam na sa kumpanya at naulilang pamilya at tiniyak na mabibigyan ng tulong at benepisyo ang mga ito.

