NASAWI ang tatlong senior citizen makaraang makulong sa nasusunog na bahay sa Davao City.
Tinukoy ni Davao City Fire District Intelligence and Investigation Chief, Senior Fire Officer 4 Ramil Gillado, ang mga biktima na sina Claudio Libre, 81; Gloria Aurora Libre, 79; at Angelo Ouqialda, 60.
Batay sa imbestigasyon ng Davao City Fire District, nagsimula ang apoy sa mini-van na kinukumpuni ng isa sa mga biktima dakong alas-3:43 ng hapon ng Lunes.
Bigla na lamang umanong nagliyab ang mini-van na pinaniniwalaang dahil sa electrical short circuit at nadamay ang bahay ng mag-asawang senior citizen.
Sinubakan pa umano ng mekaniko na sagipin ang mag-asawa ngunit maging siya ay hindi na rin nakalabas sa gitna ng malakas na apoy at matinding usok.
Nadamay din sa sunog ang kusina ng restoran na katabi ng nasunog na bahay.
Tinataya ng mga arson investigator na aabot ng P400,000 ang halaga ng pinsala ng sunog na naapula dakong alas-5:54 ng hapon.
Photo courtesy: Team Davao Rescue