Breaking News

Share this information:

HANGGANG pangarap na lamang na maging pulis ang kayang abutin ng tatlong lalaki na dinakip ng pulisya dahil sa ginawang pamemeke sa kanilang RT-PCR test na isinumite sa recruitment process ng Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR).

Habang naka “aresto de mayor” nang sila ay isalang sa totoong swab test process ay lumabas sa resulta na positibo sa COVID 19 infections ang isa sa mga suspek na hindi muna pinangalanan.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar, inilagay na sa isolation facility ang nagpositibo sa virus habang ang pang-apat na aplikanteng pulis na nagsumite rin ng pekeng RT-PCR ay hinahanap na ng lokal na pulisya.

Sinabi ni Eleazar na nakatakas man sa pag-aresto ang ika-apat na aplikante ay hindi naman ito makalulusot sa kaso at magigig target pa ng isasagawang follow up operation.

Kasabay nito, inatasan ng heneral ang lahat ng police units na nabigyan ng alokasyon sa mahigit 17,000 police recruits na makipag-ugnayan sa PNP Recruitment and Selection Service Unit para alamin kung may kahalintulad na insidente sa kanilang hanay.

Paliwanag ni Eleazar, aabot sa 66 ang mga police trainee ang nagsumite ng pekeng RT-PCT test results sa kasagsagan ng recruitment, ngunit 62 dito ang inabsuwelto matapos nilang madiskubre na peke ang dokumentong kanilang naisumite.

“Layunin ng ating bagong sistema sa police recruitment na iyong tunay na qualified at tapat sa serbisyo lamang ang makapapasok sa organisasyon. Itong apat na ito, mag-a apply pa lang magpulis, nakuha nang manloko. Akala yata ay makalulusot. Bukod sa blacklisted na sila sa pag-a-apply sa PNP, may asunto pa sila ngayon,” pahayag  ni Eleazar.

Ipinag-utos na rin ang disqualification gayundin ang pagsasampa ng kaso laban sa mga police trainee na nagsumite ng pekeng RT-PCR test results habang nasa proseso ng recruitment.

“This should serve as a warning to all police applicants who are planning to do something illegal in the recruitment process,” wika ni Eleazar.

“Hindi kami magpapasok sa organisasyon ng dadagdag lang sa aming problema at magbibigay kasiraan sa PNP. Naniniwala ako na mas marami pa rin na gustong magpulis ang karapat-dapat na bigyan ng puwang sa aming hanay”, dagdag pa ng PNP chief.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: