TATLONG menor de edad ang nasawi makaraang maipit sa loob ng nasusunog nilang tirahan sa Barangay Tatalon, Quezon City, Linggo ng madaling araw.
Nagawa namang mailigtas ang sanggol na kapatid ng mga paslit makaraang ihagis ng kanilang ama sa bintana at nasalo ng kapitbahay.
Ayon sa ulat ng Manila Fire Department, nasa kahimbingan ng tulog ang pamilya dakong alas-4:19 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa tatlong palapag na residential building sa Kaliraya Street.
Nagulat na lang umano ang mag-anak nang pumasok ang usok sa kanilang kuwarto na nasa ikatlong palapag ng gusali. Pagbukas ng pintuan ay bumulaga na sa kanila ang apoy.
Nagawang makatakas mula sa sunog ang ama na bitbit ang apat na buwang sanggol sa pamamagitan ng paggapang sa gitna ng sunog. Nang makababa sa ikalawang palapag ay inihagis nito ang beybi sa bintana na nasalo ng isang kapitbahay at wala namang tinamo kahit galos.
Sumunod ding dumaan sa bintana ang ama at kanyang misis gayundin ang panganay na anak. Pawang mga sugatan ang tatlo. Gayunman, hindi na nailigtas pa ang tatlo nilang anak na edad 4, 8 at 9.
Umabot ng unang alarma ang sunog bago naapula dakong alas-singko ng umaga.
Nabatid sa Bureau of Fire Protection (BFP) na nahirapan ang mga bumbero na mapasok ang lugar ng sunog dahil sa makipot na daan.
Patuloy nang sinisiyasat ang posibleng sanhi ng apoy na una nang hinihinalang dahil sa faulty electrical wiring.