Idineklara ng National Wages and Productivity Commission (NWPC), kasama ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB), na opisyal nang bukas ang aplikasyon para sa mga lalahok sa “2021 Productivity Olympics.”
Ang “2021 Productivity Olympics,” na may temang “Bounce Back Better,” ay isang pambansang kompetisyon ng best practices para sa pagpupunyagi at pagiging matatag sa “new normal” ng mga micro, small and medium enterprise (MSME) sa buong bansa. Isa rin itong istratehiya na naglalayong mapalakas ang kakayanan ng mga MSME na lubhang naapektuhan ng pandemya.
Ayon sa Department of Labor and Enployment (DOLE), ang Productivity Olympics ngayong taon ay magkakaroon ng bagong mukha sa pagkilala sa mga establisimyento na nagpamalas ng katatagan upang lampasan ang mga paghihirap dulot ng pandemyang COVID-19, makamit ang kanilang target, at ipagpatuloy ang pag-unlad kasabay ng pagpapanatili ng trabaho.
Ginanap ang panimulang seremonya noong Abril 27, 2021 sa pamamagitan ng Zoom at livestream sa NWPC Facebook page. Ito ay dinaluhan ng DOLE senior officials, mga miyembro ng komisyon, chairperson at mga miyembro ng RTWPB, at mga kinatawan ng mga MSME sa buong bansa.
Kinilala naman ni Undersecretary Ana Dione ang mga hamon na dala ng pandemya at kanyang binigyang-diin ang kahalagahan ng pagsusumikap ng mga MSME upang muling makabangon.
“Together, let us find and recognize MSMEs that practiced and lived up to the principles of business excellence despite the pandemic,” wika ni Undersecretary Dione.
Binigyan-diin naman ni DOLE Secretary Silvestre Bello III ang kahalagahan ng pagkakaroon ng business continuity plans at productivity improvement programs para maging matatag ang ekonomiya ng bansa.
Hinimok din ng kalihim ang mga MSME na lumahok sa kompetisyon.
“These are the best practices that the 2021 Productivity Olympics will look for in selecting the national winners. It will recognize MSMEs that were able to continue business operations, kept their employees engaged and committed to their business goals, and preserved employment amid the pandemic,” pahayag ni Secretary Bello.
Inilahad naman ni NWPC Executive Director Maria Criselda Sy ang mechanics at criteria ng Productivity Olympics at muling hinikayat ang mga MSME na lumahok sa gaganaping Olympics ngayong taon.
Bukas ang paligsahan para sa lahat ng MSME na rehistrado sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan at hindi bababa sa anim na buwan ang operasyon nitong 2020. Dapat ding sumusunod ang mga ito sa labor and occupational safety and health standards gayundin sa safety and health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Sasailalim sa pagsusuri ng Regional and National Screening Committee ang mga lalahok na MSME.
Ieendorso naman sa National Judging Panel na siyang pipili para sa national winner ngayong taon ang mapipiling national finalist ng National Screening Committee.
Siyam na matagumpay na MSME ang tatanghaling national winner ng Productivity Olympics para sa siyam na kategorya – micro, small, and medium enterprises para sa agribusiness, service, at industry sectors.
Tatanggap ang bawat isa ng cash award na P150,000, Productivity Olympics trophy, at priority endorsement para sa iba pang programang pagsasanay at serbisyo mula sa NWPC, RTWPBs, at iba pang ahensiya ng DOLE.
Maaaring lumahok ang mga interesadong MSME sa RTWPB sa kanilang lugar.
Para sa karagdagang impormasyon ukol sa 2021 Productivity Olympics, maaaring bisitahin ang official website, http://www.nwpc.dole.gov.ph at Facebook page ng National Wages and Productivity Commission.

