INI-UTOS na ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Guillermo Eleazar sa pamunuan ng PNP-Highway Patrol Group-Regional Office 3 (HPG-R3) na tukuyin ang dalawang HPG patrol riders na nag-viral sa social media dahil sa kanilang ginagawang napakadelikadong “stunt” habang nasa gitna ng highway sa Zambales.
Ayon kay Eleazar dapat matukoy ang pagkakakilanlan sa dalawang riders kung totoong sila nga ay mga pulis o nagpapanggap lamang dahil sa kanilang kasuotan at gamit na motorsiklo na kapareho ng patrol bike ng HPG.
“Matapos kong mapanood ang viral video na ito, agad kong inatasan ang RD, PRO3, Police Brig. Gen. Val de Leon pati na din ang Director ng Highway Patrol Group na tukuyin, imbestigahan at patawan ng karampatang parusa ang mga kamote riders na ito. Kasama sa aking utos ay alamin kung mga pulis nga ang dalawang ito,” pahayag ni Eleazar.
Nagviral sa social media nitong nakaraang araw ang dalawang mala HPG patrol riders na nakunan ng cellphone video ng motorista na nagkakatuwaan sa pagmala “gymnastic” ng isa sa kanila habang pinagegewang nito ang kanyang patrol bike sa gitna ng highway sa Zambales.
Ani Eleazar, ang kanilang pinaggagawa gaya ng ipinakita nilang “stunt” ay napakadelikado sa kaligtasan ng buhay hindi lamang ng dalawang riders kundi maging sa mga motorista na bumabagtas sa highway sa lugar.
Lumabag din umano ang hindi pa natutukoy na mga riders sa safety and road regulations.
“May tamang lugar sa mga ganitong klaseng gawain at kailanman ay hindi kasama ang mga pampublikong kalsada dahil maari itong magdulot ng aksidente na ikakapahamak ng mga motorista at ng iba pa nating mga kababayan,” giit pa ng heneral.
Babala ng PNP chief na kung sakaling sila nga ay mga pulis ay tinitiyak nito na sila ay mapaparusahan.
“Inaasahan ko ang mabilis na resulta ng imbestigasyon tungkol dito at binabalaan ko din ang ating mga pulis na motorcycle riders na huwag tularan ang mga iresponsable at mga payasong riders na ito,” sambit pa ni Eleazar.

