Nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Olongapo City Police Office (OCPO), Zambales PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at Provincial Maritime Police ang dalawang lalaki na pawang isinasangkot sa brutal na pagpaslang sa isang dating amerikanong aktor sa lungsod ng Olongapo kamakailan.
Ang dalawang suspek ay magkasabay na nakorner ng mga awtoridad sa isinagawang joint operations nitong araw ng Miyerkules, (September 9, 2020) sa Barangay Ilbis sa Bagac, Bataan na kung saan dito nagtago ng ilang araw matapos ang krimen noong Linggo, (September 6, 2020).
Kasalukuyang naka ditine ang mga suspek sa CIDG na nahaharap sa kasong murder bunsod ng pagpatay sa biktima na si David Light, 75 anyos, isang dating aktor sa estados Unidos.
Una ng nabatid sa report ng pulisya, pinasok umano ng mga suspek ang bahay ni Light sa Barangay Barreto pasado alas dos ng madaling araw kung saan ay nadiskubre na lamang ang bangkay nito na tadtad ng tama ng saksak.
Sinasabing pagnanakaw lamang umano ang motibo ng mga suspek subalit nanlaban ang biktima na siyang naging dahilan sa brutal na krimen.
Si Light ay nanirahan sa Olongapo City noong taong 1970 at naging aktor kung saan kabilang siya sa mga pelikula gaya ng “The sisterhood” at “Future Hunters” noong 1980’s at 1990’s.