89 barangay chairman, sinuspindi dahil sa anomalya sa SAP – DILG

AABOT sa 89 mga punong barangay sa bansa ang sinuspindi ng anim na buwan dahil umano sa mga anomalyang kinasangkutan kaugnay ng distribusyon ng unang bugso ng Social Amelioration Program (SAP).

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, nagpalabas na ang Office of the Ombudsman ng preventive suspension order laban sa mga naturang opisyal.

Inatasan na rin ng kalihim ang mga municipal at city mayor na ipatupad ang direktiba ng Ombudsman at pinakikilos ang regional at field officers ng DILG upang tiyaking nasusunod ang kautusan.

Batay sa atas ng Ombudsman, may natukoy umanong mga ebidensya ng posibleng paglabag ng mga kapitan ng barangay patungkol sa mga inihaing reklamo laban sa kanila tulad ng Serious Dishonesty, Grave Misconduct, Abuse of Authority at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service na posibleng maging daan sa pagsipa sa kanila sa puwesto.

Tinuko ng DILG ang Ilocos region, Cagayan Valley at Metro Manila na may pinaka-maraming suspendong kapitan ng barangay.

Pinakamababa naman ang Cordillera Administrative Region at Caraga region sa mga may barangay official na sinuspindi habang walang naitala mula sa Soccsksargen region.

Samantala, sinabi ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya, na ang mass suspension sa mga barangay chairman ang kauna-unahan sa kasaysayan ng bansa.

Maliban dito, sinabi ni Malaya na naghain na rin ang Philippine National Police-Criminal and Investigation Detection Group ng mga kasong kriminal laban sa 447 indibidwal dahil sa mga paglabag sa Republic Act (RA) 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), RA 11469 (Bayanihan Act I), at RA 6713 (Code of Conduct of Government Officials and Employees) kaugnay ng implementasyon ng SAP. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.