TODAS nang maka-engkuwentro ng militar ang dalawang bilanggo na tumakas mula sa Basilan Provincial Jail.
Batay sa ulat ng Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command, nagsasagawa ng pursuit operations ang 4th Special Forces Battalion sa Barangay Cabunbata, Isabela City sa nasabing lugar nang mamataan nila ang dalawang pumugang preso.
Nanlaban umano ang mga preso at nagpaputok ng baril na naging dahilan upang rumesbak ang mga sundalo.
Matapos ang limang minutong barilan ay bumulagta ang mga bilanggo na natukoy na sina Nurhassan Lahaman, may kasong murder at Battuh Kusain Murag, may kasong multiple murder at frustrated murder at sangkot din umano Lamitan City bombing nuong 2018.
Narekober mula sa lugar ng sagupaan ang isang M653 rifle, caliber 45 pistol at mga bala.
Samantala, nasakote naman ang isa pang pumugang preso na si Mahad Hassan sa Barangay Calvario sa Basilan.
Magugunitang pitong preso ang nakatakas mula sa piitan ng Basilan kung saan napatay sa jailbreak ang jailguard na si Florencio Asbi.