Dalawa, patay sa P150M drug bust

NASA P150-milyon na halaga ng ilegal na droga ang nasabat ng mga awtoridad sa buy-bust operation kung saan dalawang suspek ang nasawi sa Pasig City kagabi.

Nakilala ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Guillermo Eleazar ang isa sa mga suspek na si Arthur Adbul alyas “Abdul,” habang inaalam ang pagkakilanlan ng isa pa habang sinusulat ang balitang ito.

Bukod sa droga, nasamsam ng awtoridad ang baril na .45 at .380 caliber.

Base sa report ni PNP-Drug Enforcement Group director, Brig. Gen. Remus Medina kay Gen. Eleazar, naganap ang buy-bust dakong alas 9:10 ng gabi sa kahabaan ng Axis Road, Barangay Kalawaan.

Nahalata ng mga suspek na pulis ang ka-transaksyon kaya’t nagkaroon ng palitan ng putok na ikinasawi ng dalawang suspek habang walang nasugatan o nasawi sa panig ng mga awtoridad.

Ayon pa sa report, ang droga ay mula kay Michael Lucas Abdul na naaresto sa drug buy-bust sa Dasmarinas City, Cavite noong Abril 26.

Tinutunton upang madakip naman ang hindi pa pinangalanang Chinese na sinasabing supplier ng droga.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.