2 arestado sa pamemeke ng mga driver’s license sa Batangas

Arestado ng pulisya ang dalawang babae na umanoy namemeke ng mga lisensya at iba pang government issued documents sa bayan ng San Juan, Batangas.

Nakilala ang mga suspek na sina Joy Nepomuceno at Ronalyn Umali nang tanggapin ang pera mula sa poseur agent sa isinagawang entrapment operation.

Nabatid kay Police Colonel Julius Suriben, hepe ng Anti-Cyber Crime Division ng Police Regional Office 4A, nakumpiska mula sa posesyon ng dalawa ang mga pekeng Land Transportation Office driver’s license at Philippine Statistics Authority birth certificate.

“Nag-o-offer sila ng online processing ng mga government-issued IDs particularly ‘yung LTO licenses kasi nagpakilala rin siya, ‘yung suspek, na nagtratrabaho sa LTO,” saad ni Suriben.

“At dahil nga daw pandemic, ‘yung mga IDs available na siya through online application,” dagdag pa niya.

Umabot na sa P125,000 ang naibigay ng mga biktima sa mga suspek. Ayon sa mga biktima, hindi raw nila alam na peke ang mga dokumento.

Tumanggi ang mga suspek na magbigay ng kanilang pahayag.

“Kung ikaw, akala mo totoo ‘yung ginagamit mong IDs o dokumento tapos later ginamit mo ito doon sa agency kung saan ka makikipag-transact ay puwedeng makasuhan ang mga tao natin for falsification of public document,” giit pa ng opisyal.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.