ARESTADO ang dalawang kalalakihan na nagbebenta ng mga pekeng COVID-19 swab test result sa Quiapo, Maynila.
Ayon kay SMaRT Chief P/Lt. Col. Rosalino Ibay Jr., ikinasa ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto kina Mark Paclian y Boydon, 37 anyos, may-asawa, at Bryan Dizon y Rodriguez, 19 anyos, binata, kapwa walang trabaho at nakatira sa 929 Hidalgo Street, Quiapo, Manila.
Nauna rito, nagtungo sa tanggapan ng SMaRT ang isang impormante at ipinagbigay-alam ang iligal na gawain ng isang alyas “Mark” kung saan gumagawa at nagbebenta ito ng pekeng COVID-19 swab test result sa Hidalgo St., Quiapo.
Agad na inatasan ni Lt. Col. Ibay ang kanyang mga tauhan sa pamumuno ni P/Maj. Jake Arcilla at nagsagawa ng entrapment operation na nagresulta sa pagkaka-aresto sa mga suspek.
Narekober sa nasabing lugar ang mga ebidensiya na nagpapatunay na gumagawa ng mga pekeng dokumento ang mga suspek tulad ng pekeng swab result, computer set, at isang cell phone.
Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Revised Penal Code Article 172 (Falsification by Private Individuals and Use of Falsified Documents), Article 176 (Manufacturing and possession of instruments or implements for falsification) at R.A. 11332 Section 9 paragraph D (Non-cooperation of persons and entities that should report and/or respond to notifiable diseases or health events of public concern).
Ayon naman kay Manila Mayor Francisco Domagoso, malaking sindikato umano ang kinabibilangan ng mga naarestong suspek. Aniya, titiyakin nito na tutuldukan nila ang iligal na gawain ng mga ito.
“I hope matuto kayong magbasa, tigil niyo na ito may pandemya alam ko na mahirap ang buhay ninyo pero hindi ito sapat para gumawa kayo ng criminal activities, falsifying public documents particularly health certificate while we are under the state of health emergency. Kung sino man ang involved pananagutin namin kayo sa batas,” babala ng alkalde.

