Breaking News

Share this information:

BAGSAK sa kulungan ang isang 18-anyos na binata matapos ireklamo ng pagnanakaw sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang naarestong suspek na si Jerico Candelarion ng No. 246 Sitio 6, Brgy. Catmon na nahaharap sa kasong dalawang bilang ng pagnanakaw.

Sa report nina PSSgt. Diego Ngippol at PSSgt. Mardelio Osting kay Malabon police chief Col. Albert Barot, unang tinangay ng suspek ang isang sling bag na may lamang P100 cash at PhilHealth ID ni Raul Sios-E, 48 anyos, sewer, sa loob ng kanyang bahay sa No. 76 Sanciangco St., Brgy. Catmon.

Nang mapansin ng biktima, hinabol niya ang suspek subalit nagawang makatakas hanggang sa madaanan at tangayin din nito ang bisikleta ng 16-anyos na estudyante na nakaparada sa harap ng bahay ng kanyang kaibigan sa No. 308-B Valdez St., Brgy. Catmon.

Nakita ng biktima ang insidente kaya humingi siya ng tulong sa kanyang mga kaibigan at hinabol nila ang suspek hanggang sa magawa nila itong mapigilan.

Humingi sila ng tulong sa mga barangay tanod na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek dakong alas-8:30 ng gabi at narekober ang tinangay niyang folding bicycle at isang sling bag.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: