10-anyos patay, 5 sugatan sa pagsabog ng helium gas tank

Share this information:

NASAWI ang 10-taong gulang na lalaki habang apat pa sa miyembro ng kanyang pamilya at isang kalaro ang nasugatan nang sumabog ang helium gas tank sa bayan ng Norala, South Cotabato, Linggo ng umaga.

Nabatid mula kay Police Major Bernie Faldas, hepe ng Norala Police Office, nangyari ang pagsabog pasado alas-nueve ng umaga sa Purok Reloquemas, Barangay Poblacion, ng nabanggit na bayan.

Ayon kay Faldas, hindi na umabot ng buhay sa Norala District Hospital si Jeffren John Cabuhay habang ang kanyang mga ka-pamilya at 10-anyos na kalaro ay nasugatan sa insidente.

Nangyari ang insidente habang naghahanda ng mga lobo para sa isang party sa bahay ng mga Rapista.

Kabilang sa mga sugatan ay ang ama ng batang namatay na si Nelfren Fanuga Cabuhay, 40-anyos at kanyang ina si Geraldan, 39-taon at mga kapatid na edad 11 at 8 at batang kalaro.

Ang mag-asawang Cabuhay ay nagtitinda ng lobo at residente sa Barangay Zone 3 ng naturang bayan. Naglalaro ang mga bata malapit sa lugar kung saan pinapalobo ng mag-asawa ang gagamitin sa party.

Nabatid kay Faldas na kritikal ang kondisyon ni Geraldine makaraang tamaan ng shrapnel sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan. Pawang mga nasa South Cotabato provincial hospital ang mga sugatan. Patuloy nang sinisiyasat ng mga awtoridad ang dahilan ng pagsabog ng helium gas tank.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.