Welder, natagpuang nakabigti sa Navotas

MAKARAAN ang ilang ulit na umano ng pagtatangka, naisakatuparan na ng isang welder ang kanyang planong magpakamatay matapos itong matagpuang patay habang nakabigti sa kisame ng kanilang bahay sa Navotas City kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging, ang 30-anyos na biktima ay natagpuan ng kanyang 27-anyos na live-in partner na nakabigti gamit ang isang cotton strap belt na ipinulupot sa kanyang leeg habang ang kabilang dulo ay nakatali sa beam ng kisame ng kanilang bahay sa Blk 3, Bacog, Daang Hari dakong alas-8:30 ng gabi.

Sa isinagawang imbestigasyon ni P/SSgt. Levi Salazar, bumisita ang biktima at live-in partner nito sa kanilang mga kamag-anak at habang naglalakad pauwi sa kanilang bahay ay hiniling ng babae sa kanyang kinakasama na dumaan sa bahay ng kanyang pinsan na nakatira malapit sa lugar ngunit nagpasya ang lalaki na mauna nang umuwi.

Makalipas ang ilang minuto, dumating ang live-in partner ng biktima sa kanilang bahay subalit laking gulat nito nang makita ang kanyang kinakasama na nakabigti, na naging dahilan upang agad siyang humingi ng tulong sa kanilang mga kapitbahay at isinugod ang biktima sa Navotas City Hospital subalit idineklara itong dead on arrival dakong alas-9:16 ng gabi

Sa pahayag sa pulisya ng babae, ang kanyang live-in partner ay nagtatangkang magpakamatay sa tuwing nasa ilalim siya ng impluwensya ng alak.

Ayon sa pulisya, nag-execute ng isang affidavit ang ina ng biktima na nagsasaad na kumbinsido siya na nagpakamatay ang kanyang anak at walang naganap na foul play sa insidente.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.