Walong FAB enterprises, pasok sa Safety Seal Certification; AFAB, nagpasalamat sa DOLE

BUMIDA ang mga FAB Registered Enterprises (FREs) ng Freeport Area of Bataan (FAB) sa katatapos na Safety Seal awarding ceremony ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa The Bunker, Balanga City, Bataan, noong Biyernes, Hulyo 16, 2021, matapos tumanggap ang mga ito ng Safety Seal Certification mula sa DOLE.

Personal na iginawad ni DOLE Secretary Silvestre Bello III sa Almatech Mfg. Corp., BFD Global Footwear Mfg. Inc, D.I. Dawn Patrol Mfg. Corp., Dong-In Sunbirds Corp., East-Cam Tech Corp., Essilor Mfg. Phils., Inc., Mitsumi Phils., Inc. at Perpetual Prime Mfg. Inc. ang sertipikasyon bilang pagkilala sa pagtalima ng mga ito sa umiiral na mga panuntunan laban sa COVID-19 ng pamahalaan sa mga patrabahuhan. 

Bukod sa paggawad ng Safety Seal, tumanggap din ang Authority of the Freeport Area of Bataan (AFAB) sa pangunguna ni AFAB Administrator Emmanuel Pineda ng Certificate of Eligibility para sa 10 yunit ng bangka mula sa DOLE.

Ibinida ni Pineda sa kanyang talumpati ang FRE na Rouvia Road Yacht Design & Construction Corp. na siyang bubuo ng 130 yunit ng 25-talampakang bangka na ipinamahagi ng DOLE sa mga lokal na pamahalaan at sa AFAB.

Partikular ding pinasalamatan ni Pineda si Sec. Bello.

Salamat kay Sec. Bebot at sa DOLE…tatanggap na tayo ng bangka, magke-create pa tayo ng panibagong local employment dahil mga taga-Bataan ang gagawa nung [ng] mga bangka.”

Kaugnay nito, binigyan ng pagkilala ng AFAB si Sec. Bello dahil sa epektibo niyang pamumuno sa DOLE, sa patuloy nitong pagsuporta, at mahusay na kontribusyon sa pagtataguyod ng kapakanan ng mga manggagawa ng Freeport. 

Pinuri naman ng kalihim ang AFAB sa mga nagawa nito upang mapabuti ang kalagayan ng industrial peace sa Freeport. Ani Sec. Bello, “Because of AFAB, the major accomplishment of our President in the field of labor and employment is industrial peace.”

Samantala, ibinahagi ni Pineda ang naging mahalagang papel ng mga locators nito sa naabot ng FAB bilang tanging economic zone sa bansa na nagawang magkaroon ng positibong pagpasok ng puhunan sa unang quarter ng taon sa kabila ng mga pagsubok na dulot ng COVID-19.

Dagdag pa ng FAB Administrator, nanatiling bukas ang FAB sa mga mahahalagang pamumuhunan at proyekto dahil sa aktibong partisipasyon at istriktong pagsunod sa mga health and safety protocols sa mga working places dito.

Hinikayat din ni Pineda ang lahat at sinabing, “Hangga’t nananatili ang ating pagnanais na maging solusyon sa anumang pagsubok na ating kinakaharap at hangga’t nagtitiwala tayo sa ating mga pinunong patuloy na nagsusumikap, malalagpasan natin ang lahat ng ito. At sa lahat ng ito, magsasama-sama tayong lahat.”

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.