VIRAL: Bar sa Cebu City, dinumog ng mahigit 200 tao

NAGPALABAS ng show-cause order ang Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng Cebu City laban sa may-ari ng isang bar sa Governor Cuenco Avenue, Barangay Kasambagan, Cebu City matapos na dumugin ng mga kustomer nuong Sabado.

Batay sa mga video na kumalat sa social media, makikita ang mga kustomer na walang suot na facemask at walang social distancing habang nagkakasiyahan.

Ayon kay Police Major Renz Talosig, Mabolo Police Station chief, nangyari ang insidente pasado alas-10 ng gabi at hindi umano bababa sa dalawang-daang tao ang nagsiksikan sa bar.

Pero ayon kay Talosig, idinahilan ng may-ari ng bar na dumami ang tao nang makisilong din sa lugar ang mga taong nagpatila ng malakas na pag-ulan.

Aabot lamang umano sa 250 ang pinapayagang kapasidad ng bar ngunit dahil sa pag-ulan ay dumami ang mga tao at hindi na nasunod ang social distancing.

Kaugnay nito, sinabi ni Talosig na inirekomenda na sa Cebu City Emergency Operations Center (EOC) na bawasan pa ang kapasidad ng mga kustomer sa naturang bar na mula sa 250 ay gagawin na lamang 150.

Ipinauubaya na rin nila sa BPLO kung sususpindihin o hindi ang permit ng bar lalo na’t may ilang nagreklamo na may disco rin sa nasabing establisyimento na mahigpit pang ipinagbabawal.

(Contributed Photo)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.