“Vax on Wheels,” umarangkada na sa Hermosa, Bataan

PORMAL nang sinimulan ngayon sa bayan ng Hermosa ang Vax on Wheels Mobile Vaccination Station na may temang “kahit saan pupuntahan, para kayo ay bakunahan.”

Ginawang pilot area ang Barangay Bamban, isang upland village kung saan nasa mahigit 300 residente rito ang nabakunahan kontra COVID-19.

Nagsilbing vaccination area naman ang dating Bataan Dental Health bus mula sa Department of Health (DOH) na naiconvert para maging lugar sa pagbabakuna sa naturang programa ng Bataan Provincial Health Office (PHO).

Ang Bamban Elementary School ang ginawang registration area habang ang covered court ng Bamban ang ginawang screening, validation, counseling/consent monitoring areas, at lugar kung saan nakahimpil ang vaccination bus.

Ayon kay Hermosa Mayor Jopet Inton, ang Bamban Elementary School din ang magsisilbing vaccination area sa mga kalapit pang upland barangay dito sa mga susunod na araw.

Ayon naman kay Bataan Governor Albert Garcia, nakatakdang magdagdag pa ng mga bus ang PHO upang mas maraming mapuntahang barangay ang Vax on Wheels Program.

Layon ng naturang programa na mas mapadali para sa mga Bataeño ang makapagpabakuna kontra COVID-19 bilang isa sa mga mabilis na pamamaraan para makamit ang target na herd immunity ng lalawigan bago matapos ang taong 2021.

Noong Agosto 17, 2021 ay umabot na sa120,000 ang fully vaccinated at 169,505 ang naturukan ng unang dose ng iba’t ibang anti-COVID-19 vaccines sa buong Bataan.

Pinangunahan nila Bataan Governor Garcia at Hermosa Mayor Inton ang pagpapasinaya ng Vax on Wheels kasama ang mga opisyal at personnel ng DOH, Bataan PHO, Municipal Health Office sa pamumuno ni Jose Bismark Abad, Bamban Barangay Council sa pangunguna ni Punong Barangay Medardo “Daks” Miranda.

Dumating din sila Bokal Bong Galicia, SP Committee on Health Chairman, Dr. Rosanna Buccahan, PHO chief at Municipal Administrator Rex Jorge.

(Photos by Mhike Cigaral)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.