Breaking News

Share this information:

KUNG pagbabatayan ang pinakahuling datos kaugnay ng estado sa pananalapi ng gobyerno, mistulang papalubog na ang Pilipinas.

Dangan naman kasi, lumobo na sa P11.64 trilyon ang outstanding debt o utang ng bansa na bahagi ng isang ulat na saklaw hanggang buwan ng nakaraang Agosto, at possible pang umabot sa P13.42 trilyon sa pagpapalit ng taon.

Higit itong mas mataas ng 21 porsiyento kaysa sa P9.62 trilyong naitalang pagkakautang noong nakaraang taon.

Iyan ang dambuhalang problemang haharapin ng susunod na Pangulo, at marahil dahilan kung bakit paniwala ng marami, wala nang gagawin ang mga susunod na administrasyon kung hindi bayaran ang sangdamakmak na obligasyon ng bansa sa iba’t ibang financial institutions.

Ayon sa Palasyo, kinailangan ng gobyernong mangutang para tugunan ang banta ng lintek na pandemya. Kabilang sa mga gastusing pinaglaanan ayon sa pamahalaan ay ang mga medical supplies na kalaunan ay nasadlak lang sa dikit-dikit na eskandalong kinasasangkutan ng mga tiwaling itinalaga sa puwesto.

Sa pagtatala ng mga ekonomista, mukhang 20 porsiyento bawat buwan ang itinataas ng utang natin kung saan-saan. Ang siste, wala naman gaanong nararamdamang pagtugon ang gobyerno, maliban sa bakunang karamihan naman ay donasyon lamang na pinadaan sa COVAX facility ng World Health Organization (WHO).

Kung sasabihin naman ng administrasyong kinain ng ayuda, di kapani-paniwala lalo pa’t higit na marami ang dumadaing na walang natanggap sa ibinibidang kalinga para sa mga pamilyang apektado.

Kung hahanapin naman natin ang kinapuntahan, lalabas na lehitimo lalo pa’t may mga dokumentong kalakip sa bawat pag-uusisa hinggil dito.

Pero teka, malinaw naman sa pagsusuri ng Commission on Audit (COA) na lahat ay dokumentado. Gayunpaman, hindi naman lahat ay napalusot ng mga tiwali lalo pa’t nasilip ang mga bulilyaso sa mga transaksyon kaugnay ng tinaguriang “government pandemic response.”

Malinaw na malaking bahagi ng inutang ng gobyerno ay napunta lang sa mga tiwali at mapagsamantalang kasapakat sa katiwaliang unti-unti nang sumambulat sa pagpapatuloy ng mga pagdinig sa kongreso.

Pati ang mga mismong sangkot, aminado. Hindi nakapagtatakang baon na ang sintang bayan ko. Kasi naman ang pagdurusa ng bayan, ginawang pagkakataon para sa malakihang kabuhayan ng illan.

Kaya panawagan ko sa ating gobyerno, utang na loob — Huwag muna. Huwag ngayon. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: