ANG sinasabing utak sa pagpatay sa isang negosyante sa Subic noong 2018 ay naghain ng “not guilty plea” para sa kasong kinakaharap nito.
Ayon sa kampo ni Allan Dennis Sytin, naghain ito ng “not guilty” para sa kasong murder at frustrated murder sa Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 7.
Si Allan Dennis Sytin ay ang di-umanong utak sa pagpatay sa kapatid nitong si Dominic Sytin, negosyante at founder ng United Auctioneers Incorporated dahil sa hindi nito pagbibigay ng share ng kita ng kumpanya sa akusado.
Si Dominic ay binaril noong Nobyembre 28, 2018 sa tapat ng isang hotel sa Subic Bay Freeport Zone, Olongapo City.
Nadakip naman ng mga tauhan ng Royal Malaysian Police sa isang club sa Selangor, Malaysia ang akusado noong Marso 22, 2025.
Agad namang inilipat ito sa Manila City Jail – Male Dormitory base na din sa kautusan na inilabas ni Manila RTC Executive Judge Carolina Icasiano-Sison ng Branch 18.
Unang nadakip ang gunman na si Edgardo Luib at ang middleman na si Ryan Rementilla na nahaharap rin sa parehong kaso.

