Tulak ng P700k na shabu sa Navotas, kulungan ang bagsak

KULUNGAN ang kababagsakan ng isang hinihinalang drug pusher sa Navotas City matapos itong makuhanan ng mahigit P.7 milyon halaga ng shabu sa isang buy-bust operation kahapon ng madaling araw.

Pinangalanan ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang naarestong suspek na si Abdullah Pasandalan alyas “Abdul,” 41 anyos, (Pusher/Not Listed) at residente ng New UE, Baseco, Port Area, Manila.

Ayon kay Col. Ollaging, si Pasandalan ay inginuso ng isang suspek na unang naaresto ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa isa ding drug operation sa lungsod noong nakaraang linggo.

Dakong alas-12:05 ng madaling araw nang isagawa ng mga operatiba ng SDEU sa M. Naval St., Brgy. NBBS Kaunlaran ang operasyon. Isang undercover police officer na nagpanggap na poseur-buyer ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P12,000 halaga ng shabu.

Pinangunahan naman ni P/Lt. Luis Rufo Jr. ang buy-bust operation

Matapos makatanggap ng hudyat mula sa poseur-buyer na nakabili na siya ng shabu na nakalagay sa isang cup noodles mula sa kanilang target ay agad lumapit ang back-up na operatiba saka pinosasan ang suspek.

Nakumpiska mula kay Pasandalan ang tinatayang nasa 103 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang P700,400 na standard drug price, buy-bust money na isang tunay na P1,000 bill at 11 pirasong P1,000 boodle money, sling bag, weighing scale, plastic bag, wallet na may lamang tatlong ID, 9 PVC cards at P1,500 cash.

Nahaharap ngayon si Pasandalan sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.