Binabantayan ngayon ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Space Administration o Pagasa ang isang bagyo na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Batay sa huling datos ng Pagasa, ang tropical depression ay huling namataan sa layong 1,790 kilometro Silangan ng dulong hilagang Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hanging na aabot sa 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 kilometro bawat oras.
Ayon sa Pagasa halos hindi kumikilos ang bagyo.
Samantala, isang Low Pressure Area (LPA) naman ang namataan ng government weather bureau na nasa 360 kilometro Silangan Hilagang-Silangan ng Virac, Catanduanes.
Bukod sa nabanggit na LPA ay mayron din na isa pang LPA ang namuo at nasilayan sa 425 kilometro sa Kanluran ng Sangley Point, Cavite City, Cavite.
Kaugnay nito ay apektado ng Southwest Monsoon o “Habagat” ang Southern Luzon, Visayas region at Mindanao.
Dahil sa LPA at Habagat, ang Visayas, MIMAROPA, Bicol Region, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, BARMM, SOCCSKSARGEN, at lalawigan ng Quezon ay makararanas ngayong araw ng mga kalat-kalat na pag-ulan na mayroong pagkulog at pagkidlat.
Makakaranas din ng kalat na paguulan ang malaking bahagi ng Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.