Taytay LGU, nagbabala tungkol sa ibinebentang “ayuda” forms

Share this information:

TAYTAY, Rizal – Nagpalabas ang lokal ng pamahalaan ng Taytay ng babala sa publiko laban sa mga umano’y nananabotahe sa isinisagawang pamamahagi ng ayuda ng gobyerno sa mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ).

Makaraang makatanggap ng ulat hinggil sa pag-iikot ng isang grupong namamahagi ng mga forms para sa umano’y “national cash assistance,” nilinaw ni Mayor Joric Gacula na hindi kabilang ang mga bayan mula sa lalawigan ng Rizal sa talaan ng pagbabahagi ng ayuda kaya naman panawagan niya sa mga residente na laging maging mapanuri.

Paliwanag pa ng alkalde, walang katotohanan ang giit ng nasabing grupo, na walang ibang hangad kundin ang manggulo at maghasik ng kalituhan sa publiko. Maaaring gusto lang ng pangkat na magalit ang tao sa pamahalaan.

Kamakailan lamang ay kumalat sa social media ang mga forms na sinasabing magmumula sa Marcos Wealth na National Cash Assistance Program. Bunsod nito, agad na nakipag-ugnayan ang Taytay local government unit sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno – at maging sa tanggapan ni Senadora Imee Marcos.

Lumalabas din sa isinagawang pagsisiyasat ng LGU na naningil ang nasabing grupo sa mga residente ng P100 para sa mga “ayuda forms” na kanilang inaalok sa mga kabahayan. Ilan sa mga nabigyan ng forms ay napag-alamang nagbayad pa ng P100 kapalit ng nasabing forms.

Sinabi ni Mayor Gacula na bagaman may mga tulong na ipinamamahagi ang Taytay LGU, “Nanawagan sa lahat na maging alerto sa mga kumukuha ng personal na impormasyon lalo na kung wala itong pagkakakilanlan. Bawal ang komisyon ng recruiter sa ayuda na mula sa gobyerno!”

Sa isang Facebook post, sinabi ng isang residente na lubhang napaniwala ng mga nasabing tao ang mga residente ng kanilang bayan dahil sa biglang pagdami ng mga taong tumungo sa barangay upang kumuha ng barangay ID na bahagi ng mga requirements umano para makakuha ng ayuda.

Bukod sa binabayarang forms, naningil din umano ang nasabing grupo ng dagdag para sa stamp at stub.

Kaugnay nito, inatasan ni Gacula ang Taytay PNP na hagilapin ang mga nasabing indibidwal at papanagutin sa batas.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.