Patay ang tatlong babaeng mga menor de edad nang ma-trap sa nasusunog na residential building Martes ng hapon sa Sta. Mesa, Maynila.
Sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) umabot lamang sa unang alarma ang sunog sa 2-storey residential building sa Guadalupe Street.
Sa impormasyon, naiwan ang mga bata sa loob ng bahay dahil umalis ang kanilang magulang.
Hindi naman agad makapasok ang mga bumbero nang sumiklab ang sunog dahil kulob ang bahay bukod pa sa makapal na usok na bumabalot sa bahay .
Wala din na bintana ang bahay at makitid ang daan papasok.
Aabot sa P30,000 ang halaga ng pinsala sa sunog na patuloy na iniimbestigahan ng BFP .
Base sa ulat, walang kuryente ang tirahan ng mga biktima na pawang mga babae na edad 5, 11 at 16.
Nagsimula ang sunog alas 5:12 ng hapon at idineklarang fire out alas 5:58 din ng hapon, Enero 14.

