Tatlo, tiklo sa drug deal na ginawa sa harap ng mga pulis Navotas

Timbog ang tatlong hinihinalang sangkot sa ilegal na droga matapos magtransaksyon ng shabu sa harap mismo ng mga operatiba ng Maritime Police na nagsasagawa ng surveillance operation sa Navotas City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Northern NCR Maritime Police Station (MARPSTA) head P/Major Rommel Sobrido ang mga naarestong suspek na si Albert Mejarito, ng Bulungan St. NFPC, Brgy. NBBS, Juanito Rosales, 36, ng Balot, Tondo, at Reynante Egana, 52, ng Pier 1, NBBN.

Ayon kay PSMS Nemesio “Bong” Garo, dakong 11:50 ng gabi, nagsasagawa ng surveillance operation ang mga operatiba ng MARPSTA sa pangunguna ni PLt. Erwin Garcia hinggil sa natanggap na ulat na umano’y bentahan ng isda na huli sa putok sa Market 1, NFPC, Brgy. NBBS nang huminto at tumayo sa kanilang harap ang mga suspek.

Tila hindi napansin ng mga suspek ang mga pulis at nagtransaksyon ang mga ito saka nag-abutan ng plastic sachet ng hinihinalang shabu kaya’t agad silang nilapitan ng mga operatiba sabay nagpakilalang mga pulis.

Hindi na nagawang makapalag ang mga suspek nang agad silang arestuhin ng mga operatiba at nakumpiska sa kanila ang 21 piraso ng plastic sachets na naglalaman ng nasa 1.35 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P11,600 ang halaga.

Mahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.