TIMBOG ang tatlong katao kabilang ang isang menor-de-edad matapos tangayin ang isang set ng scaffolding sa Malabon City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga nadakip na sina Raul Hillario, 26 anyos, John Edward Zacarias, 18 anyos, kapwa ng Fishpond Maypajo, Sawata Area 1 D.D Caloocan City at isang menor-de-edad.
Sa report nina PSSgt Jeric Tindugan at PCpl. Renz Marlon Baniqued kay Malabon police chief Col. Albert Barot, dakong ala-una ng hapon nang tangayin ng mga suspek ang isang set ng scaffolding na nagkakahagala ng P11,000 at pagmamay-ari ni Sherly Solana, 37 anyos, sa isang bakanteng lote sa bahay ng biktima sa 57 N Vicencio St., Brgy. Niugan.
Matapos nito, pumara ang mga suspek ng tricycle at isinakay ang tinangay nilang scaffolding subalit nang papatakas na sila ay napansin sila ng biktima na agad humingi ng tulong sa mga barangay tanod ng Niugan.
Sa follow-up operation ng mga barangay tanod sa tulong ng Malabon Police Sub-Station 4 ay naaresto ang mga suspek at nabawi ang mga gamit na kanilang tinangay.

