Tatlo, naaktuhang nag-aabutan ng droga sa Caloocan

KULUNGAN ang kababagsakan ng tatlong hinihinalang drug personalities matapos maaktuhan ng mga pulis ang mga ito na nag-aabutan umano ng ilegal na droga sa Caloocan City kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr. ang naarestong mga suspek na sina Jhon Mark Betasolo, 19 anyos, Howard Royeras, 28 anyos, at John Paul Guiling, 24 anyog, pawang mga taga 3rd Avenue BMBA.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nakatanggap ng tawag sa telepono ang Caloocan Police Sub-Station 2 hinggil sa tatlong lalaki na nagpapalitan umano ng ilegal na droga sa 3rd Avenue BMBA, Brgy. 118 kaya’t agad rumesponde sa lugar ang mga pulis upang alamin ang report.

Pagdating ng mga pulis sa naturang lugar dakong alas-2:15 ng madaling araw ay naaktuhan nila ang mga suspek na nag-aabutan umano ng ilegal na droga.

Gayunman, nang makita ng mga suspek ang mga pulis ay nagtakbuhan ang mga ito sa magkakahiwalay na direksyon na naging dahilan upang habulin sila hanggang sa makorner at maaresto.

Nang kapkapan, nakumpiska sa kanila ang tig-isang transparent plastic sachet na naglalaman ng nasa 19 na gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P129,200.

Kasong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isinampa ng pulisya konta sa mga suspek sa Caloocan City Prosecutors Office.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.