HINDI umano malayong muling umakyat sa mahigit 600 ang maitatalang bagong kaso ng COVID-19 kada araw kung magiging pabaya ang publiko sa gitna ng pagluluwag ngayon at kaliwa’t-kanang aktibidad na may kinalaman sa halalan sa taong ito.
Ayon sa tagapagsalita ng Department of Health (DOH) at Undersecretary Maria Rosario Vergeire, batay sa mga projection o pagtaya ay posibleng umabot ng 670 ang national daily cases na maitatala sa katapusan ng Abril kung mababawasan ang compliance o pagsunod ng publiko sa minimum public health standards.
Kung mapananatili naman aniya ang pagsunod ng publiko sa mga patakaran ng pag-iingat sa hawaan ng COVID-19 at patuloy na tataas ang vaccination rate sa bansa, posibleng nasa 70 hanggang 268 ang maitatalang arawang kaso ng virus infection.
Gayunman, nilinaw ni Vergeire na ang kanilang mga projection na naka-base sa tinatawag na assumptions o pagpapalagay ay maaari pang mabago, depende sa magiging sitwasyon lalo na kung may papasok na bagong variant ng COVID-19 at nagkaroon ng biglaang pagtaas ng mga kaso sa ilang lugar o bumagal ang pagtaas ng vaccination rate.
Sa ngayon kasi, sinabi ni Vergeire na nasa 21 percent ang average daily COVID-19 cases o 385 cases kada araw ngayong linggo, mas mababa kumpara nuong nakaraang linggo.
Nasa 2.1 percent naman ang positivity rate na bumaba mula sa 2.7 percent nuong nakaraang linggo.
Napakahalaga aniya na ikonsidera pa rin ng nakararaming populasyon na magpabakuna na at magpa-booster shot para maging tuluy-tuloy ang proteksyon laban sa COVID-19.

