Matagumpay na naisakatuparan muli ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3) ang pinabilis na biyahe nito na umaabot sa 50kph simula kahapon, Nobyembre a-dos, dahilan para mabawasan din ang oras sa pag aantay sa pagdating ng bawat tren na nooy nasa 8 hanggang 9.5 minuto o 20 tren sa kada 30kph, na ngayon ay umaabot na lamang ng mula 4 hanggang 5 minuto o 20 tren kada 50kph.
Malaking kabawasan din sa ‘time travel’ ng MRT-3 tulad na lamang sa biyahe magmula North Avenue station sa Quezon City hanggang Taft Avenue sa Maynila na dati ay isang oras at 15 minuto ang itinatagal na ngayon ay isang oras at 5 minuto na lamang.
Ang naturang pagpapabuti sa oras ng pagbiyahe ng MRT-3 ay resulta sa pagkukumpuni at paglalagay ng bagong “long-welded rails (LWRs) sa lahat ng istasyon nito bilang bahagi ng malawakang rehabilitasyon ng riles na iniimplementa ng Sumitomo-Mitsubishi Heavy Industries ng Japan.
“With the increased operating speed, MRT-3 passengers can now expect faster travel time, shorter waiting time for train arrivals, and better and comfortable riding experience,” pahayag ni MRT-3 Director for Operations Michael J. Capati.
Inuunti-unti ng MRT-3 ang pagtataas ng ‘operating speed’ mula sa 30kph hanggang 40kph mula Oktubre at 50kph ngayong buwan ng Nobyembre at sa darating na Disyembre ay mas lalo pa umanong pabibilisin ang takbo ng kanilang tren ng hanggang 60kph.
Kada buwan ayon sa MRT-3 ay nagsasagawa sila ng regular na pag iinspeksyon para suriing mabuti ang pagkakahanay ng bagong mga riles, ang Overhead Catenary System (OCS), signaling at communications para masiguro ang kaligtasan ng bawat biyahe sa pangunahing linya nito.
Nabatid na noong nakalipas na taong 2004 ng huling bumiyahe ang MRT-3 sa bilis na 50kph.