GINANAP kahapon ang grand inauguration ng YFC Development Corporation at YFC BonEagle Electronic Technology Philippines Corporation, isang Taiwanese company, sa Hermosa Ecozone Industrial Park sa bayan ng Hermosa sa lalawigan ng Bataan.
Ang naturang kumpanya ay manufacturer o gumagawa ng mga “power cords of 3C, copper LAN cables, patch cords” at iba pa na ginagamit sa e-commerce platforms at mga sistemang may kinalaman sa digital distribution channels.
Dumalo naman at pinangunahan ni Hermosa Mayor Jopet Inton ang isinagawang pagpapasinaya sa bagong kumpanya.
“Isang karangalan po na tayo ay maimbitahan para sa ribbon cutting ng YFC BonEagle Electronic Technology na ginanap sa Hermosa Ecozone, isa na namang bagong mamumuhunan, maraming salamat po sa tiwala at pagpili sa aming progresibo at maunlad na bayan ng Hermosa,” pahayag ni Mayor Jopet.
Nakasama ni Mayor Inton sina Garfield Tseng YFC Director, Arthur Hua, CEO YFC Eagle (Taiwan), Michael Pei-yung Hsu, Taiwan Ambassador ng Taipei Economic and Cultural Office (TECO), Tereso Panga, Officer-in-Charge Director-General ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA), Mayor Ace Jello “Kuya AJ” Concepcion ng bayan ng Mariveles, former Board Member Dr. Bong Galicia bilang kinatawan ni Bataan Governor Joet Garcia, at Tarlac Congressmen Victor Yap, at Christian Yap.
Initially, ayon kay Mayor Inton, nasa 700 trabaho ang mage-generate ng bagong expansion na ito ng nasabing kumpanya.
Dagdag pa ni Mayor Jopet, bahagi ito ng pitong Taiwanese firms na nangakong palalawakin pa ang operasyon sa bansa na may investment pledge na nagkakahalaga ng P3.7 bilyon (humigit-kumulang $65 milyon) bukod pa sa iba pang manufacturing firm na interesado ring mag-operate dito base sa inilabas ulat ng PEZA.