Suspek sa mga nakawan ng spare parts ng sasakyan sa loob ng NBI-Bucor impounding area arestado

NABULILYASO ang isang kawatan nang maaktuhan sa ginawang pagkalas sa mga parte at accessories ng mga sasakyan na nakuha bilang ebidensya sa loob ng impounding area ng National Bureau of Investigation-Bureau of Corrections (BuCor) Detention Center sa Muntinlupa City.

Naaktuhan nitong Marso 25, 2025, sa impounding area  ng mga tauhan ng  NBI- Security Management Division ang suspek na si Emmanuel Cabrera sa pagnanakaw ng isang bag na naglalaman ng anim na electrical wires.

Una umanong nadiskubre na may mga nawawalang piyesa mula sa mga ebidensyang sasakyan na nakumpiska ng NBI at nasa kustodiya ng NBI-BUCOR impounding area. 

Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon na ilang hindi pa nakikilalang indibidwal ang nakakuha ng hindi awtorisadong pag-access sa NBI-BuCor compound kaya sinimulan ang surveillance at monitoring operations.

Sa isinagawang regular na inspeksyon, dalawang indibidwal ang nakitang pumasok sa impounding area at lumabas sa isa sa mga ebidensyang sasakyan at hinabol sila na nagresulta sa pagkaaresto kay Cabrera.

Ininguso naman ni Cabrera ang pagkakakilanlan at address ng kanyang kasabwat at sa isinagawang follow-up operation ang NBI-SMD ay narekober ang iba’t ibang kagamitan at nakaw na bahagi ng sasakyan. 

Kabilang sa mga nabawi ang car stereo, switch ng air-conditioning, takip ng switch ng kuryente, vice grip, dalawang lagaring bakal, screwdriver, sampung susi, at karagdagang magnetic at electrical wires.

Isinailalim na si Cabrera sa inquest proceedings sa Muntinlupa City Prosecutor’s Office sa paglabag sa Article 308 (Theft) sa ilalim ng Revised Penal Code (RPC).

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.