Sibakan sa Kamara, umarangkada na

Share this information:

SINIBAK na bilang Deputy Speaker for Finance si Camarines Sur Rep. Luis Raymond Villafuerte at ipinalit sa kanya ang dating sinibak na Deputy Speaker na si 1-Pacman partylist Rep. Mikee Romero.

Katwiran naman ni Romero, nakadepende naman talaga sa Speaker kung sino ang itatalaga nito sa mga posisyon na kanyang pinagkakatiwalaan.

Sa isang pahayag, sinabi ni Villafuerte na nagpapasalamat siya sa oportunidad na ibinigay sa kanya nuon ni dating Speaker Alan Peter Cayetano at patuloy pa rin aniya nitong susuportahan ang legislative agenda ni Pangulong Duterte sa abot ng kanyang makakaya.

Kung mas pinipili aniya ng bagong liderato ng Kamara na magkahati-hati na naman ang Kapulungan nang hindi sundin ang naunang napagkasunduan nuon na walang magagalaw sa mga posisyon at tanggihan ang kanilang alok na kooperasyon, hindi na sa kanya ang problema.

Kung ang intensyon aniya ng pagsipa sa kanya ay takutin ang iba pang loyal kay Cayetano, sinabi ni Villafuerte na nagkakamali ang kampo ni Velasco.

Lumilitaw na aniya ngayon ang tunay na liderato na kanilang inaasahan na mangyayari nuon pa kapag naupo na si Velasco.

Nauna rito, sinabi ni dating Speaker Cayetano sa kanyang Facebook live kanina na kung iginigiit ni Velasco na magkaroon ng palabra de honor, dapat ay sundin nito ang usapan sa ilalim ng term sharing deal at huwag puwersahin ang mga sumusuporta sa kanya na umalis sa posisyon.

“There are now some of your people na gustong mang-bengga, talking to some of our people na magpalit na lang, umalis na lang, pati kuwarto kinukuha,” ayon kay Cayetano.

“Let’s not do that, let’s all focus sa budget and as I promised you, kahit tingnan ninyo yung text ko sa ating mga taga-suporta, ‘Please support the new leadership, please get the budget passed,” dagdag nito.

Iba pang posisyon, ginalaw

Bahagi pa rin ng paggalaw ng mga posisyon sa Kamara kasunod ng pagpapalit ng liderato nito, itinalaga na rin bilang Senior Deputy Speaker si Oriental Mindoro Representative Salvador Leachon na pumalit kay Davao City Representative Paolo Duterte.

Si Duterte ay una nang iniluklok bilang chairman ng House Committee on Accounts, ang komiteng may hawak ng pondo ng Kamara.

Nabawi naman ni Quezon Representative Helen Ten ang pagiging chairman ng Committee on Health, habang si Ilocos Sur Representative Kristine Singson-Meehan ay itinalagang vice chairperson ng Committee on Accounts.

Samantala, kasunod ng mosyon ni DIWA partylist Rep. Michael Aglipay ay pinatanggal ang naging speech ni Capiz Rep. Fredenil Castro nuong Setyembre 22.

Sa nasabing talumpati ay tinuligsa ni Castro ang umano’y pagpapakalat ng tsismis at intriga ni Speaker-elect Lord Allan Velasco at ng kanyang mga kaalyado dahil sa sinasabing planong pagpapatalsik kay dating Speaker Alan Peter Cayetano.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.