Shabu na nasa mahigit P600k ang halaga, nasabat sa buy-bust

Nanlaban ang isang drug courier na may bitbit na 680k na hinihinalang droga habang nakatakas naman  ang kasama nito sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad  kagabi sa Brgy. Bayanan, San Pascual, Batangas.

Sa ulat na natanggap ni Batangas Police Provincial Director PCol. Rex Arvin Malimban mula kay San Pascual Municipal Police Station (MPS) Chief PMaj, John Eric Antonio, nakilala ang napatay na suspek na si Alexander Navarro, na sinasabing miyembro umano ng Perlita Perculeza Drug Group.

Nagsagawa ng buy-bust operation ang pinagsanib pwersa ng Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) 4A at San Pascual MPS bandang alas 9:00 ng gabi  sa Brgy. Bayanan kung saan nagpanggap na poseur-buyer ang isang pulis upang makabili ng isang nakataling transparent plastic bag na hinihinalang may lamang shabu gamit ang 1,000 peso bill at mga pekeng boodle money.

Nang mapansin ng suspek na peke ang perang ibinayad dito ay agad itong bumunot ng baril saka pinaputukan ang kanyang katransaksyong pulis.

Nagtamo naman ng mga tama ng bala sa katawan ang nasabing suspek matapos gumanti ng putok ang mga pulis na agad nitong ikinamatay. Ang isa namang kasama nito na naka-motorsiklo ay agad na nakatakas patungo sa direksyon ng Batangas City.

Narekober sa lugar ng pinangyarihan ang isang plastic bag na tinatayang may bigat na 100 gramo ng white crystalline substance na may halagang P680,000 at isang cal. 38 revolver.

Sa ngayon ay pinaghahanap na ang kasamahan ng nakatakas na suspek.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.