Breaking News

Share this information:

PINASINAYAAN na ang unang Super Health Center ng lungsod ng Malabon sa barangay Catmon nitong Lunes ng umaga.

Layunin ng pasilidad na ito na makapag-bigay ng kinakailangang serbisyong medikal para sa mga taga-Malabon lalo sa panahon na ito ng pandemya.

Ang pagpapasinaya ng dalawang-palapag na gusaling pangkalusugan ay pinangunahan ni City Mayor Antolin Oreta III.

Ayon sa alkalde, “karagdagan ang serbisyo nito sa ibinibigay ng Ospital ng Malabon at mas malapit na sa Malabonian na taga unang distrito ng lungsod.”

Kabilang sa mga klinikang may 24-oras konsultasyon sa Super Health Center ang Pediatric, Adult, Internal at OB-Gyne clinics, habang magbibigay din dito ng routine laboratory tests tulad ng Complete Blood Chemistry (CBC), urinalysis at iba pa, at mga minor surgery.

Libre ang serbisyo nito para sa publiko para maagap na malulunasan ang ating mga karamdaman bago pa ito lumala,” dagdag pa ng alkalde.

Nakatutok ang serbisyo ng Super Health Center sa mga barangay ng unang distrito ng lungsod, kabilang ang Panghulo Maysilo, Santulan, Dampalit, Muzon, Hulong Duhat, Flores, Bayan-bayanan, Baritan, Concepcion, Niugan, Ibaba, San Agustin at Tañong.

Dumalo din sa pagpapasinaya sina Congresswoman Jaye Lacson-Noel, Vice Mayor Bernard Dela Cruz at City Councilor Jose Lorenzo “Enzo” Oreta bilang kinatawan naman ng Sangguniang Panlungsod.

Sa hinaharap ay magkakaroon ng libreng Birthing facility para sa manganganak na Malabonian at ng x-ray at ultrasound services para sa nangangailangang pasyente.

Napakahalagang maalagaan ang kalusugan ng mamamayan, kaya’t titiyakin ng lungsod na mailalarga ang mga serbisyo ng Super Health Center para sa mamamayan ng lungsod, sabi naman ni Konsehal Oreta.

Nakatakda rin sa hinaharap ang pagkakaroon ng isa pang Super Health Center para sa ikalawang distrito ng lungsod.

(PHOTO CREDIT: Mayor Lenlen Oreta Facebook page)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: