Sales lady, pumalag sa holdap, sinaksak

Todas ang isang sales lady matapos pagsasaksakin ng isang holdaper dahil pumalag ang biktima sa panghoholdap ng suspek sa Malabon City kamakalawa ng hapon.

Hindi na umabot ng buhay sa Ospital ng Malabon sanhi ng tinamong mga saksak sa iba’t-ibang parte ng katawan ang biktimang si Maribeth Camilo-Goco, 47 anyos, ng 282 Gen. Luna St. Brgy. Baritan.

Nakapiit naman ngayon habang nahaharap sa kaukulang kaso ang suspek na si Leo Ifsor, 29 anyos, ng 635 Magat Salamat St., Brgy. Daang Hari, Navotas City.

Sa report nina PSSgt. Jeric Tindugan at PSSgt. Jose Romeo Germinall kay Malabon police chief Col. Joel Villanueva, dakong ala-una ng hapon nang pumasok ang suspek sa Meliza’s Lingerie and Accessories Boutique sa Unit 2 No. 352 Gen. Luna St. Brgy. Baritan kung saan nagtatrabaho ang biktima bilang sales lady.

Kaagad nagdeklara ng holdap ang suspek habang armado ng patalim subalit pumalag ang biktima na naging dahilan upang undayan ito ng mga saksak sa iba’t-ibang parte ng katawan ng holdaper bago mabilis na tumakas.

Gyunman, kaagad naman naaresto ang suspek ng mga tauhan ng Sub-Station 7 na sina PSSgt. Anecito Liamado Jr., PCpl. Zaldy Fabul at PCpl. Ryan Ulat na nagpapatrolya sa nasabing lugur.

Narekober sa suspek ang isang kitchen knife na ginamit sa pananaksak sa biktima at ang tinangay na P200 habang isinugod naman ang biktima sa naturang pagamutan subalit hindi na ito umabot ng buhay.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.