TINIYAK ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ligtas ang ruta ng Traslacion sa taong ito.
Ito ang dahilan kung bakit nagsasagawa ngayon ng mga “road maintenance checks” ang DPWH sa mga ruta na daraanan ng Traslacion o prusisyon ng Banal na Poong Itim na Nazareno sa Enero 9.
Sa kanyang ulat kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, sinabi ni DPWH National Capital Region Director Loreta Malaluan na kanya nang inatasan ang DPWH North at South District Engineering Offices (DEOs) na ayusin ang mga sira at iba pang road hazards o mga sagabal sa daan, kasunod ng joint inspection ng komite ng Feast of the Black Nazarene.
“Potholes, as well as tree branches and other road obstructions within road right-of-way are now being cleared by our DEOs to ensure safety of the devotees,” saad ni Malaluan.
Papalitan din ng pansamantalang railings ng Arlegui Bridge sa pagtatayo ng permanent concrete railing para kayanin ang crowd o dami ng mga deboto na inaasahang sasama sa prusisyon.
Bukod dito, sinabi ni Malaluan na ilang road barriers mula sa DPWH DEOs ang ipapagamit para sa crowd control at pag-secure sa ruta ng Traslacion na magsisimula sa Quirino Grandstand.
(MAIN PHOTO: DPWH Facebook page)

