TODAS ang isang 21-anyos na rider nang magulungan ng isang truck makaraang mawalan ng kontrol sa minamanehong motorsiklo sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Samuel Mina, dead on the spot sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Joseph Hilario, residente ng 1269 Bambang St., Tondo.
Ang driver naman ng Hino truck na may plakang NAW-4677, na kinilalang si Jumar Marinas, 45 anyos, ng Turo, Bocaue, Bulacan ay naaresto ni Pat. Robinson Oya ng Caloocan Police Sub-Station 2.
Sa isinagawang imbestigasyon ni traffic investigator P/Cpl. Jomar Panigbatan, dakong alas-9:30 ng gabi, kapwa tinatahak ni Hilario sakay ng kanyang motorsiklo at ng truck ang kahabaan ng Rizal Avenue patunong Manila nang maganap ang insidente.
Ani PCpl. Panigbatan, nawalan umano ng kontrol sa kanyang motorsiklo ang biktima at bumagsak sa kalsada pagdating sa 1st Avenue, Brgy. 39 na naging dahilan upang magulungan ng paparating na truck na minamaneho ni Marinas.
Sinampahan ng pulisya si Marinas ng kasong reckless imprudence resulting in homicide sa Caloocan City Prosecutor’s Office.