Rider ng motor, patay; angkas, kritikal

Patay ang isang rider habang nasa kritikal naman na kalagayan ang kanyang angkas matapos bumangga sa isang pampasaherong jeep ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa Caloocan City kahapon ng madaling araw.

Hindi na umabot ng buhay sa Tondo General Hospital sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan si Arvin Sarmiento, 23, helper ng 35 B Anneth St. Marulas, Valenzuela city.

Kasalukuyan namang inoobserbahan sa naturang pagamutan sanhi rin ng mga pinsala sa ulo at katawan ang kanyang angkas na si Dexter De Asis, 29, delivery helper ng Sangandaan, Caloocan city.

Nakapiit naman ngayon habang nahaharap sa kasong Reckless Imprudence resulting in Homicide at Serious Physical Injury ang driver ng Isuzu jeepney (PUJ) na may plakang NWJ-921 na si Geniroso Vergara, 29, ng Dizon St., Brgy. 2, Caloocan city.

Sa nakarating na ulat kay Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr., alas-12:20 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng A. Mabini St. corner P. Gomez II, Brgy. 5, ng lungsod habang minamaniobra ni Vergara ang naturang jeep nang sumalpok ang motorsiklo ng mga biktima na patungong Sangandaan sa kanang bahagi nito.

Sa lakas ng pagkakasalpok, tumilapon ang mga biktima at bumagsak sa sementadong kalsada dahilan upang magtamo ang mga ito ng mga pinsala kaya’t mabilis silang isinugod sa naturang pagamutan habang kusang loob naman na sumuko sa pulisya si Vergara.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.