Halos 80,000 na mga pamilyang Navoteño ang nakatanggap ng Christmas hams mula sa Pamahalaang Lungsod ng Navotas.
“Ang aming mga empleyado ay bumisita sa mga tahanan ng bawat pamilyang Navoteño upang matiyak na makukuha nila ang kanilang pamaskong handog. Nais naming iparamdam sa kanila na sa kabila ng mga pagsubok, magsisikap ang ating pamahalaang lungsod na gawing mas kaaya-aya ang kanilang kapaskuhan,” ani Mayor Toby Tiangco.
Naglunsad din si Tiangco ng mga online game sa pamamagitan ng kanyang Facebook page upang matulungan ang mga estudyanteng Navoteño na nakikipagtunggali sa kanilang mga online classes.
“Hindi kami nakapagbigay ng mga gadget sa lahat ng aming mga mag-aaral, ngunit mabibigyan namin sila ng pantay na pagkakataon na manalo ng isa sa pamamagitan ng mga laro. Binigyan din sila ng mga pagkakataon na ma-nominate ang ibang mga mag-aaral na walang sariling cellphone,” sabi ng alkalde.
“Ang taong 2020 ay mahirap para sa ating lahat, ngunit palagi kaming tutulong na mas mapagaan ang pasanin ng bawat isa,” dagdag niya.
(Photo credit: Navotas City Facebook page)