Rep. Lord Velasco, iniluklok bilang Speaker ng mga ka-alyado; rambol sa Kamara, tumitindi

INILUKLOK ng kanyang mga kaalyado bilang Speaker ng House of Representatives si Marinduque Representative Lord Allan Velasco sa pamamagitan ng pagboto ng sinasabing 186 na kongresista.

Idinaos ang botohan ng mga kongresista sa events place sa Quezon City sa gitna na naka-suspindi pa ang sesyon ng Kapulungan hanggang Nobyembre 16.

Pinagbotohan ang mosyon ni Buhay party-list Representative Lito Atienza na maipadeklarang bakante ang puwesto ng Speaker na kasalukuyang hawak ni Taguig-Pateros Representative Alan Peter Cayetano.

Bago ang pagtitipon ng mga mambabatas, isang manifesto ang inilabas upang ipatawag ang sesyon at ipadeklarang bakante ang upuan ng House Speaker.

Fake session, labag sa Konstitusyon

Tinawag ni Cayetano na fake session at pinakamalalang pambababoy sa lehislatura ang pagtitipon ng ilang mga kongresista sa labas ng Batasan Pambansa.

Diin ni Cayetano, matigas ang ulo ni Velasco nang ipilit pa rin ang pagnanais nitong maluklok sa pagka-Speaker sa gitna ng kailangang madaliin ang pagpapatibay sa panukalang 2021 national budget.

Ayon kay Cayetano, hindi problema kung ayaw na sa kanya ng mayorya ng mga kongresista ngunit dapat ay gawin sa paraang Konstitusyunal at legal ang pagpapalit ng House leadership upang hindi maging kahiya-hiya ngayon at masira ang imahe ng Kapulungan.

Hindi naman aniya Kongreso ang Celebrity Sports Plaza kung saan isinagawa ang sesyon ng mga mambabatas para ihirit ang pagpapalit ng House Speaker at iluklok si Velasco.

Naka-recess din ang Kongreso at bukas pa lamang magbabalik para sa special session kaya’t malinaw umano na ang motibo lang ay manggulo.

Sinabi pa ni Cayetano na paglabag din sa health at safety protocols ng Interagency Task Force patungkol sa pagdaraos ng malaking pagtitipon.

Giit pa ng House Speaker, hindi entertainment show at hindi circus ang Kamara na pupuwede sanang maging maayos at payapa ang turn-over ng leadership kung inuna muna ang pagtitibay ng national budget.

legal ang pagboto para kay Velasco

Iginiit ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na legal ang idinaos na sesyon sa labas ng plenaryo ng Kamara alinsunod sa itinatadhana ng Section 16, Article 6 ng Saligang Batas na nagtatakda na ang bawat Kapulungan ay pupuwedeng magsesyon at magtrabaho kung may quorum o sapat na bilang ng mga kongresista na dumalo.

Nasasaad din aniya sa Seciton 75, Rule 11 ng House Rules na sasapat na may quorum o mayorya ng mga mambabatas para makapag-sesyon.

Pinapayagan din ng Konstitusyon na magsagawa ng sesyon sa labas ng Batasan Pambansa. Batay pa sa Section 89 ng Rule 12 ng HOR ay pupuwede ang sesyon sa pamamagitan ng electronic platform kung may agarang pangangailangan na makapagpatibay ng mahalagang panukala.

Hindi rin aniya matatawag na absolute ang rules patungkol sa dapat ay mayruong mace kapag magse-sesyon. Naibibigay ang awtoridad para magtrabaho ang mga kongresista sa sesyon kung ang mayorya o nakararaming miyembro ay present. Ang mace ay isa lang aniyang simbolo ng awtoridad.

manifesto para kay Cayetano

ISANG manifesto rin na may pamagat na The Philippines at a Crossroads ang inilabas ngayon ng kampo ni Cayetano.

Pirmado ng dalawang-daang kongresista, maliban kay Cayetano, ang 29 na pahinang manifesto.

Sa manifesto, binibigyang-diin ang pagtitiyak na susundin ang atas ni Pangulong Rodrigo Duterte patungkol sa pagpapatibay ng panukalang 2021 national budget na tutugon sa pangangailangan ng taumbayan ngayong may pandemya.

Pakikiisa rin ito sa apela ni Speaker Cayetano at sa buong liderato ng Kamara para sa pagkakaisa at pagtutulungan na pagtibayin ang mga prayoridad ng administrasyong Duterte lalo na sa paglabag sa COVID-19 pandemic.

Binabanggit pa sa manifesto na ang ginawang pagbasura ng buong Kapulungan sa alok nuon ni Cayetano na bumaba sa pagka-Speaker ay nagresulta ng pagkawala na ng bisa ng sinasabing term sharing nito kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Umaapela rin sila kay Velasco na irespeto ang kagustuhan ng mayorya at hayaan ang pananatili ni Cayetano sa posisyon.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.