NAKASUNOD na umano sa patakaran ng Food and Drug Administration (FDA) ang manufacturer ng Reno Liver Spread pero hindi pa ito agad mapapayagang maibenta sa merkado.
Ito ang kinumpirma ni FDA Director General Undersecretary Eric Domingo na aniya’y naaprubahan na ang Certificare of Product Registration (CPR) ng Reno bagamat wala siyang kumpletong detalye kung kailan ito napagtibay.
Nauna rito ay ipinag-utos ng FDA ang pag-aalis sa mga tindahan ng nasabing produkto nang matuklasang wala pala itong rehistro.
Nilinaw naman ni FDA Director for Food Marilyn Pagayunan na kailangan pang hintayin na lumabas ang kautusan mula sa ahensya na nag-aalis ng ban o pagbabawal na ibenta ang Reno.
Gayunman ay pinuproseso na ito at kapag nailabas na ang abiso ay agad nang ibabalik sa merkado ang produkto.